Enteng Kabisote: Unang Libro

Abangan sa espasyong ito ang isang kuwento ng pagibig, pagkakaibigan at pakikipagsapalaran.

Sa mundo sa kuwentong ito, nagwagi na ang kadiliman hindi lang natin nalalaman.

Paano pa nga ba matatalo ng ating bida ang puwersa ng kadiliman kung siya ay mag-isa na lamang-- walang Prinsipe K, walang Faye, walang mga engkantadang makikipaglaban?

Abangan...

Wednesday, April 27, 2011

Unang Kabanata

May nagaganap na pagtitipon/kasiyahan sa tahanan ni Enteng. Kaarawan niya ngayon. Nung isang linggo lang ay nagdaos din ng kaarawan ang anak nilang si Ada. Ikapitong kaarawan.

Maraming tao. Ngunit hindi makita si Enteng saan man. Nandyan ang lahat ng mga kaibigan at mahal niya sa buhay. Lahat ay mukhang abala. Maingay sa paligid. Lahat nagaapura. May batang umiiyak dahil ayaw bigyan ng ice cream. May isang babae (si Amy?) pinapagalitan ang isang kasambahay dahil natapon ang tubig. May isang sumisigaw sa celphone (si Jose?) dahil wala pa ang cake. Sa madaling salita, lahat konsumido. Ramdam na ramdam ito sa mga sigawan, iyakan at kung anu anu pa.

Maya-maya pa ay dumating na si Enteng. Nakita niya ang batang umiiyak dahil sa ice cream. Hinati ang ice cream sa dalawa(!) at tumawa ang mga bata. Pinuntahan si Amy at sinabihang magrelaks lang-- gumaan ang kanilang pakiramdam. Pinuntahan si Jose at sinabihang magrelaks lang-- gumaan ang kanilang pakiramdam. Naglakad-lakad pa si Enteng. Maya-maya pa naglaho ang iyakan at sigawan. Lahat nakangiti na at nagtatawanan. Gumaan ang hangin. Maya-maya, may isang potograper na nagsabi, "picture, picture!". Nagipon ang lahat. Nagsiksikan.

May sumigaw, "Wacky!"

Nasa gitna si Enteng. Ang simula ng kasiyahan.

Klik!



---

Sa trono ng hari ng kadiliman, hawak ng hari ang isang larawan. Larawan ni Enteng kasama ang lahat ng kaibigan at minamahal. Hinaplos ng hari ng kanyang daliri ang mga mukha sa larawan. Tila may asido sa daliri niya na tumutunaw sa tinta sa larawan unti-unti. Isa-isang hinawakan ang mga mukha. Si Amy, Bale, Pipoy, Prinsipe K, Reyna Magenta, Faye, Aiza, Benok, Ada.

Unti-unti natunaw ang larawan ng kanilang mga mukha hanggang sa si Enteng na lang ang natitirang malinaw.

"Manlalakbay ng Panahon! Ahora! Gawin mo na ngayun din!"

Sabay sa mga salitang ito ay kumidlat sa mundo ng kadiliman.




---

Kumidlat bigla sa handaan kina Enteng. Sa unang kidlat, nagulat lang si Enteng. Sa pangalawa, siya ay nahilo, umikot ang paligid. Sa ikatlo, tila dumilim na ang kanyang paningin. Nakita ng lahat nang bumagsak si Enteng sa sahig. Sumugod ang lahat patungo sa kanya, nagsisigawan. Unti-unti ring dumidilim ang eksena, humihina ang mga sigaw. Hanggang sa wala nang makita o marinig sa paligid. Isa na lang itim na tabing.

Wednesday, April 20, 2011

Paunang Salita

Magsisimula ang lahat sa isang propesiya na lihim na lumaganap sa mundo ng kadiliman.

Ayon sa propesiya...
"...At sa ikapitong taon at ikapitong araw ng pangatlong anak ng engkantada at tagalupa magaganap ang pangyayaring mag didikta sa huling hantungan ng labanan ng dilim at liwanag. Sa ikapitong taon at ikapitong araw ng pangatlong anak ng engkantada at tagalupa, sa harap ng mga minamahal at mga kaibigan, matatalo ng isa ang isa at tuluyan nang maghahari sa daigdig ang kabutihan."

---

Sa kaharian ng kadiliman nagpatawag ng pulong ang hari ng kasamaan. Pinatawag ng hari ang Manlalakbay ng Panahon, si Ahora.

"Ahora, narito ang propesiya. At narito ang iyong misyon: Maglakbay ka sa panahon, bumalik ka sa kahapon. At alisin mo ang lahat ng ala-ala ng pagtatagpo ng prinsesa ng engkantada at ng tagalupa. Maliwanag ba!?!"

May nagreklamong isang bubwit na demonyita. "Ba't hindi na lang natin patayin ang pangatlong anak nila, mahal na hari, nang sa ganun ay hindi na maganap ang propesiya?"

"Hangal! Kung magkaganun ay magkakanak lang muli ang tagalupa. At sa pangatlong anak nila'y magaganap pa rin ang hula! Maliwanag ba!"

Sa salitang iyon ay humayo na nga ang Manlalakbay ng panahon na si Ahora, at naglaho siya kasabay ng isang makapal na usok.